MANILA, Philippines - Umabot sa P1.3 bilyong halaga ng droga, partikular ang high grade cocaine ang sinunog ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang pasilidad nito sa lungsod ng Malabon kahapon ng umaga.
Ang nasabing mga droga ay nasabat ng mga mangingisda noong nakaraang Disyembre 22 at 23 ng nakalipas na taon sa karagatan sa Brgy. Minaanod, Llorente at Brgy. 7, Maydolong sa Eastern Samar.
May kabuuang 187 bricks at 35 plastic packs ng high grade cocaine ang nakuha sa nasabing lalawigan na i-turn-over ng pulisya ng Samar sa pamunuan ng PDEA.
Sinasabing sakay ng isang barko ang droga para dalhin sa ibang bansa nang masabat ng mga awtoridad.
May posibilidad ding ibabagsak sana ang droga sa isang barangay sa Samar, ayon pa sa PDEA.
Kaya naman matapos ang isang buwan nang makakuha ng court order ang PDEA ay pinasusunog na ang nasabing droga.
Samantala, tinitingnan ng PDEA na posibleng kaakibat ng nasabing droga ang paggamit ng mga politiko na tumatakbo sa election o narcopolitics.
Ayon kay PDEA deputy director Senior Undersecretary Dionisio Santiago, ang politikong marami ang private armies ang posibleng sangkot dito o protektor ng mga ito.
Bukod sa cocaine, kasama rin sa sinunog ang 12.685 kg ng shabu; 108.586 kg ng marijuana; 65.22 grams ng epedrine; 19.94 grams ng phenmetrazine; 2.7 grams ng ecstacy; at 34.4 grams ng valium; at 51,908 vials ng ketamine.
Disyembre 24, 2009 nang unang sunugin ng PDEA ang 66.06 kilograms ng high grade cocaine bricks na naunang narekober sa nasabing lalawigan.