Naglamay sa patay, kinatay

MANILA, Philippines - Paglalamayan na rin matapos na makipag­lamay sa burol ng kan­yang kapitbahay ang isang pedicab driver makaraang saksakin ng isang dating kaalitan, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay habang gi­nagamot sa Tondo Ge­neral Hospital ang bikti­mang si Renato Mapili, 45, ng   San Sebastian St., Tondo.

Tinutugis naman ang sus­pek na kinilala la­mang sa alyas “Itik” na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Sa ulat ni Det. Jona­than Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9 ng gabi nang ma­ganap ang insidente sa may Osmeña St., Tondo.

Nabatid na nagsu­sugal ang biktima sa burol ng isang kapitbahay nang mamataan umano ng suspek at nilapitan ito habang nakatalikod at patraydor na binurdahan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad ding tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod ng mga kapitbahay sa na­sabing ospital.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbesti­gas­yon sa insidente. (Ludy Bermudo)

Show comments