MANILA, Philippines - Nagpalabas kahapon ng mahigpit na kautusan si MMDA Chairman Oscar Inocentes para sa pagpapatupad sa 1990 Metro Manila Council (MMC) ordinance hinggil sa pagbabawal sa lahat ng tricycle at pedicab na dumaan at mamasada sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.
Sa isinagawang executive meeting ng mga opisyal ng MMDA, mariing inatasan ni Inocentes ang Traffic Operation Center (TOC) ng ahensiya na magsagawa ng operasyon sa pamamagitan ng pagdakip sa mga tricycle at pedicabs sa bisa ng 1990 MMC Ordinance Number 6.
Binalaan nito ang mga tsuper ng nabanggit na maliliit na mga behikulo, bukod sa papatawan ang mga ito ng traffic violation ay i-impound ang mga ito ng 30 araw, kapag nadakip.
Nabatid na ang nabanggit na ordinansa ay inaprubahan ng 17 alkalde ng Kalakhang Maynila noong 1990 upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga tsuper ng mga tricycle at pedicabs, lalo na ang kanilang pasahero.
Kung saan noong si Makati City Mayor Jejomar Binay pa ang chairman ng MMDA, nakasaad sa ordinansang ito ang 10 araw na pagkakulong at multang P300.
Subalit kahit aniya ito ay pinatutupad ng MMDA ay hindi sumusunod ang mga tsuper kung kaya’t ayon kay Inocentes ay mahigpit nilang ipatutupad ngayon ang nabanggit na ordinansa sa buong Kalakhang Maynila. (Lordeth Bonilla)