MANILA, Philippines - Umaabot sa P3 milyon cash ang natangay ng mga armadong suspek sa dalawang empleyado ng isang money changer habang papasok sa harapan ng isang mall matapos na mag-withdraw ng pera sa banko, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Station 2 (Tondo) si Joe Arceo, may-ari ng Good Rate Money Changer sa L20 South Gate, Cluster Bldg., Tutuban Mall, Tondo, Manila.
Nagsasagawa naman ng manhunt operations ang pulisya laban sa anim na armadong suspek na inilarawan na nasa pagitan ng 30-35 anyos, may taas na 5’5’’, katamtaman ang mga katawan at armado ng kalibre 45, na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat na nakarating kay Supt. Ernesto Tender Jr., hepe ng MPD-Station 2, dakong alas-2:18 ng hapon nang maganap ang insidente sa L-20 South gate, Cluster Bldg. Tutuban mall, Tondo.
Nabatid na nagwithdraw ng halagang P3 milyon sa Banco De Oro sina Edgardo Aceveda, 33 at Isaias Jose Ignacio, 33, kapwa messenger ng nasabing money changer at habang pabalik na sila sa loob ng mall ay bigla na lamang silang hinarang ng dalawa sa anim na suspek. Agad silang tinutukan ng baril at puwersahang inagaw ang isang kulay itim na “jam sport” bag na naglalaman ng pera.
Tinangkang pumalag ni Aceveda na siyang may hawak ng bag subalit lalong idiniin ang tutok ng baril ng mga suspek hanggang sa tuluyang nakuha ang bag na may lamang pera saka tumakas sa direksiyon ng South Gate patungo sa Dagupan St., kung saan naghihintay ang apat pa nilang kasamahan na magkaangkas sa dalawa pang motorsiklo na Enduro saka humarurot sa direksyon ng Moriones St.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.