MANILA, Philippines - Ang labis na pagdaramdam matapos na umano’y mag-break ng kanyang boyfriend ang nagtulak sa isa umanong bading na UP student para magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Si Andrian Solomon Olympia, 22, binata, ng 20th Ave., Cubao, Quezon City ay nagawa pang maitakbo sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) ngunit habang nilalapatan ng lunas ay nasawi rin ganap na alas-3:20 ng madaling-araw.
Base sa ulat ni PO2 Loreto Tigno, nadiskubre ang pagpapakamatay ng biktima ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Bago nito, naibulalas umano ng nasawi sa kanyang ka-roommate na si Frances Grace Mortel ang problema niya sa pananalapi, gayundin ang umano’y break-up nila ng kanyang kasintahan. Dagdag pa dito, gusto rin umanong lumipat ng school ang biktima subalit dahil sa kapos sa pera hindi nagawa na isa pa sa dinamdam nito.
Sinasabing naabutan na lang ni Mortel, isang art teacher, ang kaibigan na nakabitin sa hagdanan gamit ang isang antenna wire na nakapulupot sa kanyang leeg.
Agad itong kinalas ni Mortel at humingi ng saklolo sa ilang kapitbahay para maisugod sa nasabing ospital ang biktima, ngunit hindi na naisalba ang buhay nito.
Ayon kay Tigno, patuloy ang imbestigasyon na kanilang ginagawa patungkol sa insidente upang mabatid kung may naganap na foul play.