7 oras na trapik sa C-5 at Edsa

MANILA, Philippines - Umabot sa mahigit pitong oras na trapik ang pumer­wisyo sa libu-libong mga mo­to­rista at pasahero sa C-5 Road at EDSA dahil sa dala­wang magkasunod na aksi­dente kahapon ng umaga.

Ayon sa Metropolitan Ma­nila Development Authority (MMDA), nag-umpisang bu­migat ang daloy ng trapiko sa C5 Road nang isang trailer truck na may lamang scrap na bakal ang tumaob sa Bagong Ilog Service Road sa Pasig City na nagresulta sa oil spill at masarhan ang dalawang lanes dakong alas-5:15 ng umaga. Nagawa lamang ma­linis ang naturang lugar ng mga tauhan ng MMDA da­kong alas-10 ng umaga.

Dakong alas-10:17 naman ng umaga nang dalawang kotse, isang closed van at isang trak ang magkasagian sa southbound lane ng C-5 Libis flyover na natanggal lamang sa kalsada dakong alas-11:20 na ng tanghali.      

Dahil sa naturang mga aksidente, lubhang nagka­buhul-buhol ang daloy ng trapiko sa lugar na naka­apekto na rin sa EDSA nang doon na dumaan ang mga motorista na patungo sana ng Kalayaan at Katipunan Avenue.

Nabatid naman na may dalawang araw nang mabigat ang trapiko sa EDSA lalo na sa northbound lane dahil sa binarahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang porsyon nito dahil sa repair sa kalsada nitong Biyernes ng gabi. Nagawa namang tanggalin ng MMDA ang mga barriers ma­tapos ang pagkumpuni da­kong alas-2:45 ng madaling- araw kahapon. (Danilo Garcia)

Show comments