MANILA, Philippines - Tatlong pinaghihinalaang big-time Chinese drug trafficker ang nasakote ng mga operatiba kasunod ng ginawang pagsalakay sa isang mini shabu laboratory sa Parañaque City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AID-SOTF) chief Deputy Director General Jefferson Soriano ang mga nasakoteng suspect na sina Chu Kin Tung, alyas Toni Lim, 36, tubong Hong Kong; A Chi, 29; at Wong Min Pin, alyas Chua, 47, ng Macau, China.
Bandang alas-5 ng hapon nang magsagawa ng drug-bust operation ang mga awtoridad sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Parañaque Regional Trial Court Presiding Judge Aida Macapagal sa inuupahang apartment ng mga suspect sa #144 Concha Cruz Drive, BF Homes, Parañaque City.
Bago ito, ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina ay nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba hinggil sa ilegal na aktibidades ng mga nasabing dayuhan sa naturang lugar.
Agad itong isinailalim sa surveillance operations at nang magpositibo ang impormasyon ay isinagawa ang raid.
Nasamsam sa raid ang ‘kitchen type shabu laboratory’, isang Glock 9mm na may silencer, isang fragmentation grenade, hindi pa madeterminang dami ng shabu at mga kemikal na gamit sa paggawa nito gayundin ang sari-saring mga kagamitan sa paggawa ng shabu.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga nasakoteng suspect.