MANILA, Philippines - Isang 47-anyos na negosyante ang binaril sa mukha na ikinasawi nito matapos tumangging ibigay ang bag sa tatlong armadong holdaper sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Rosalyn Tiongson, 47, residente ng G. Velasquez St., Tondo, Maynila, dahil sa tinamong isang tama ng bala sa mukha.
Sa ulat ni Det. Rommel Del Rosario ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga, sa tapat ng bodega sa 1112 Juan Luna corner Morga St., Tondo, Maynila.
Nabatid na nagtungo ang biktima kasama ang ilang tauhan sa kaniyang bodega upang gisingin at sunduin ang isa pang helper nito, subalit nang pababa pa lamang sa sinakyang pedicab, dalawa sa 3 suspek ang lumapit sa biktima at tinutukan agad ito ng baril sa mukha at nagdeklara ng holdap.
Pumalag ang biktima at hindi nito ibinigay ang dalang bag hanggang sa putukan siya ng malapitan sa mukha ng isa sa mga suspek.
Mabilis na sumakay ang dalawang suspek sa nag-aabang na motorsiklong walang plaka, na minamaneho ng ikatlong suspek habang ang biktima ay dinala ng mga tauhan niya sa pagamutan, na makalipas ang ilang oras ay namatay din. (Ludy Bermudo)