Stepdad ni Jason, ginisa sa NBI

MANILA, Philippines - Isang oras na ginisa si Asian Development Bank (ADB) British consultant Stephen Pollard, stepdad ng murder suspect na si Jason Ivler, kahapon sa Special Action Unit (SAU) office ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa imbestigasyon kung may kinalaman ito sa pagkakanlong sa kanyang stepson.

Kasama ni Pollard sa pagtungo sa NBI ang misis na si Marlene Aguilar at si Atty. Alexis Medina, dakong alas-9:00 ng umaga kahapon.

Kinunan ng pahayag ni Atty. Janet Francisco ng NBI-SAU si Pollard, sa harap ng kaniyang abugadong si Medina at muling itinanggi nito na may kinalaman siya sa pagtatago sa kanilang bahay ng stepson, gayung una na siyang nagpahayag na hindi niya alam kung nasaan ito.

Nagpaunlak naman ng interview si Pollard­ kung saan pinuri nito ang Pilipinas na pinakamagandang bansa na kaniyang napuntahan at hindi niya umano nais na umalis dito. (Ludy Bermudo)

Show comments