MANILA, Philippines - Nakabigti at wala nang buhay nang madiskubre ng isang kapitbahay ang isang 26 anyos na lalaki makaraang layasan ito ng kinakasama nito sa inuupahan nilang silid sa Malate, Maynila kamakalawa ng hapon.
Kinilala sa ulat ni C/ Insp. Erwin Margarejo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktima na si John Paul Magayores, helper at residente ng 782 P. Gil St., Malate.
Nadiskubre lamang na patay na ang biktima dakong alas-5:30 ng hapon nitong Huwebes ng isang kapitbahay.
Ayon kay Margarejo, sinabi ng kapitbahay na noong Biyernes ng gabi ay nakita pa ang biktima na nakikipagtalo sa kanyang live-in partner na hindi rin pinangalanan,
“Narinig nung kapitbahay na parang may pagtatalo yung dalawa hanggang sa itong babae raw ay nag-alsa balutan at lumayas papuntang Marinduque,” ani Margarejo.
Kinabukasan, naisipan ng nasabing kapitbahay na alamin kung ano ang nagyari sa pag-aaway dahil hindi na lumabas ng bahay sa maghapon ang biktima.
Matapos umano katukin ng paulit-ulit ay walang sumasagot at nakakandado ang loob ng kuwarto ng biktima kaya pwersahan umanong binuksan ng kapitbahay ang pintuan at doon nakita ang nakabigting bangkay nito. (Ludy Bermudo)