Tarpaulin at posters binaklas ng MMDA

MANILA, Philippines -  Sinimulan na ng mga ta­uhan ng Metropolitan Manila De­velopment Authority (MMDA) ang pagbabaklas sa mga tarpaulin, posters at iba pang signages na nagkalat sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Ito’y matapos na ipag-utos ni MMDA Chairman Oscar ­Inocentes upang malinis ang mukha ng Metro Manila at ma­pa­tupad ang programa niyang “Metro Green”.

Nasa 6,000 tarpaulins na ang nababaklas ng 200 ta­uhan ng Roadway/ Side­walk Clear­ing Operations Group (RSCOG) na karamihan ay mga “cam­paign posters at advertise­ments” mula nang magsimula ng operasyon nitong panahon ng Ka­paskuhan.

“Bukod sa napapapangit ang ‘visual landscape’ ng Metro Manila, banta rin ito sa kalig­ta­san ng publiko dahil sa karami­han ay nakalagay sa mga hindi angkop na lugar tulad ng mga linya ng kur­yente at sanga ng mga puno,” ani Inocentes.

Idinagdag pa ni Inocentes may panganib sa kalikasan na dulot rin ang pagkakabit ng tarpaulins sa mga puno. Ipi­naliwanag ni Manuel Sayson, ang horticulturist ng ahensya, na nasisira ang balat ng mga puno sa mga ginamit na pako sanhi upang makapasok ang mga insektong nakakasira dito at napapatid rin ang normal na paglaki ng puno. Dahil dito, mas mababa ang kapabilidad ng mga puno na masala ang polusyon o carbon sa hangin.

Ilan sa mga kalsada na nalinis na umano ng MMDA ay ang Araneta Avenue, Ramon Magsaysay, Quirino Highway, Juan Luna at Os­meña High­way. (Danilo Garcia)

Show comments