MANILA, Philippines - Kapwa arestado ang nagpanggap na police colonel at isang police officer 3 nang makatunog ang kaanak ni Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu na binibiktima siya ng kotong sa loob ng isang hotel sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Pormal na naghain ng reklamo sa Manila Police District-Station 5 ang biktimang si Pandag Municipal Mayor Zajid Mangudadatu, 33, laban sa mga suspek na sina Rene Salas, 39, na nagpakilalang PO3 de los Santos, ng Natividad, Brgy. Ampid, San Mateo Rizal at ang nagpakilalang P/Supt June Salas, na nakilalang si Regido Salas Jr., 46, ng Camp Aguinaldo, Quezon City. Ang dalawa ay kapwa umano con artists.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling-araw, kahapon sa loob ng City Estate Hotel , sa A. Mabini St. malapit sa P. Faura St. Nagkakape umano sa nasabing hotel ang biktima nang lapitan ng nagpakilalang colonel at sabay ipinakilala ang kapatid bilang PO3 na kaniyang bodyguard, Kapwa umano sila naka talaga sa Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group. Hanggang sa alukin na ng mga ito ang biktima ng stickers na may logo ng PNP upang hindi mahuli sa daan.
“Nagtanong siya kung bisaya ako o kaya Cebuano ako at sumagot ako na oo bisaya ako. Pagkatapos nun nagpakilala siya na ako si Colonel Salas, taga Highway Patrol, bibigyan kita ng stickers para kung sino maghuli sa iyo sabihin mo na kaibigan kita sabay kuha ito sa pitaka ng dalawang stickers,” ani Mangudadatu .
Ilang minutong pakikipagkuwentuhan ang naganap hanggang sa manghingi na umano ang mga suspek ng P11,000. Nang hingan ng ID ng biktima ay sinabihan siya na naiwan ng dalawa ang kanilang ID’s sa kotse.
“Iniabot ko muna ay P5,000 habang nagkukuwentuhan kami. Sinabi niya kasi na yung kaibigan niya ay hindi pa lumalabas sa VIP room ng Casino wala pa daw siyang room at madaling araw na kaya humiram siya ng pera pangkwarto daw niya,” ani Mangudadatu.
Nang magduda ang biktima ay agad nitong inireport sa security personnel at pinarespondehan sa pulisya kung saan inabutan na kapwa naglalaro sa casino ang mga suspek.
Nabawi ang ibang halaga ng salapi at umamin ang dalawa na sila ay hindi totoong pulis habang ang stickers ng PNP ay mabibili umano sa kung saan-saan lang.
Kasong Estafa at Usurpation of Authority ang kinakaharap na kaso sa Manila Prosecutor’s Office ng magkapatid na suspek. (Ludy Bermudo)