MANILA, Philippines - Patuloy na inaalam ni Liberal Party Quezon City Vice Mayoral candidate Joy Belmonte ang karaingan at ibang problema o pangangailangan ng mga residente ng lunsod para matiyak ang serbisyong mailalaan niya sa mga ito.
Kasama ni Belmonte sa adhikaing ito ang mga barangay officials, People’s Organization at Non-Government Organization.
Ang naturang mga grupo kasama ni Belmonte ay nagtutungo sa iba’t ibang lugar sa Quezon City upang kunin ang datos at alamin ang mga bagay na kailangang paunlarin dito. Sinabi ni Joy na, bagaman marami nang nagawa ang tatay niyang si QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte, may mga bagay pa rin itong maiiwan na dapat niyang maipagpatuloy tulad ng health services, livelihood programs, environmental programs at iba pa.
“Matatapos na ang term ng tatay ko at kahit na madami na siyang nagawa para sa mga taga-QC, may mga bagay pa rin na dapat nating maipagpatuloy tulad ng ibat ibang serbisyo sa mga taga-lunsod,” pahayag ni Joy.
Sinabi niya na sa pamamagitan ng pagkilala sa mga nais pang maibigay sa mga taga-lunsod, maiibsan din ang 40 percent poverty level dito. (Angie dela Cruz)