MANILA, Philippines - Hihirit ng taas pasahe ang mga pampasaherong bus sa Metro Manila dahil sa pagtaas sa presyo ng diesel na P1.50 kada litro at P1.00 kada litro sa gasolina. Gayunman, hindi naman agad na isiniwalat ni Claire dela Fuente, Pangulo ng Integrated Metro Bus Operators Association (IMBOA) kung magkano ang hihingin nilang taas pasahe sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) dahil sa magpupulong pa ang kanilang samahan. Sa susunod na linggo umano ay may takda na silang halaga na isasalang sa LTFRB para sa fare hike. Kaugnay nito, nais naman ng mga provincial buses na humirit ng 10 sentimong taas pasahe sa mga bus na may biyahe sa mga probinsiya kung magkakaroon pa ng sunod na oil price hike. Sinabi naman ni LTFRB Chairman Alberto Suansing na ang anumang petisyon para sa taas pasahe na idudulog sa ahensiya ay bubusisiing mabuti para hindi gaanong maapektuhan ang taumbayan. Gayunman, sinabi ni Suansing na mas mainam anya na bawasan na lamang ang bus na pumapasada sa kahabaan ng EDSA. (Angie dela Cruz)