2 kelot kinursunada ng amok, todas

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang na­tagpuang duguan at wala nang buhay matapos kursu­na­dahin saksakin ito ng hindi pa nakikilalang suspek kama­kalawa ng gabi sa Pasay City.

Namatay habang nilalapa­tan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktima na nakilala sa pamamagitan ng kanilang identification cards (ID) na sina Richard Tunog, 25, salesman ng Pag-asa 2, Brgy. 201 Zone 20 ng naturang lungsod at si Ramon Talagtag Jr., 18, binata, ng Sitio Wella, Barangay Balag­bag, Pasay City. Nagtamo ang mga ito ng malalalim na sak­sak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Base sa isinagawang im­bestigasyon nina SPO1 Joel Lan­dicho at PO3 Nestor Rubel ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City Police, dakong alas-10:30 ng gabi ng matagpuan ng mga rumorondang tauhan ng Pasay City Police (PCP) Station 10 ang mga duguang biktima na nakahandusay sa kahabaan ng East Service Road, Sitio Wella, Brgy. Ba­lag­bag, ng naturang lungsod.

Nauna rito, sinabi ng isang   Mark Joseph Calvento, 24, ng Brgy. Balagbag, dakong alas-10:30 ng gabi nang bigla siyang lapitan ng isang lalaki na na­kilala lamang niya sa alyas na “Hogan” na may hawak na pa­talim at nagwa­wala kung saan tinakot siya na papatayin kung hindi pa­pasok ng kanilang bahay.

Dahil sa pangamba na ma­saksak ay dali-daling pu­masok ng kanilang tahanan si Calvento subalit makalipas lamang ang 30-minuto ay na­gulat na lamang siya ng sabi­hin sa kanya ng kanyang mga kamag-anak na dalawang lalaki ang natagpuang dugu­ang nakahandusay malapit sa kanilang lugar.

Malaki naman ang hinala ng pulisya na maaaring na­salubong ng mga biktima ang naturang lalaki at nakur­sunadahan nitong saksakin ang mga biktima na noo’y pa­pauwi na ng kanilang mga bahay.

Kaugnay nito ay patuloy pa rin sa pagsasagawa ng im­bestigayon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Show comments