MANILA, Philippines - Patay ang isang 40-anyos na barangay tanod makaraang barilin ng kapwa niya tanod kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Ang nasawi ay kinilalang si Eduardo Abana, ng Barangay 4, Zone, 1, residente ng #424-I Padre Ortega St., Tondo.
Nagtatago umano ang suspek na kinilalang si Rogelio Lipalam, 40, kasamahang tanod ng biktima at kapitbahay din nito.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng madaling-araw sa Plaza Hernandez sa harap ng Sto. Niño Church, sa Tondo.
Una rito, nag-away umano ang biktima at suspek hinggil sa pagroronda sa lugar subalit agad namang naawat ng mga kasamahang tanod na kasamahang naka-duty.
Ilang minuto lamang ay nakarinig umano ng putok ng baril hanggang sa natuklasang may tama na ng bala sa batok ang biktima na nakabulagta sa kalye. Sinasabing inatake ito ng suspek habang patungo sa barangay outpost, malapit sa Tondo Fire Station.
Mabilis umanong tumakas ang suspek bitbit ang di pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa pamamaril.
Nangako naman umano ang kanilang Punong Barangay na si Dick Del Rosario Wilson, na isusuko ang suspek kung matutukoy ang pinagtataguan. (Ludy Bermudo)