MANILA, Philippines - Hindi pa man nag-iinit sa pag-uwi sa kaniyang tahanan ang 27-anyos na lalaking bagong laya, tinodas na ito ng di-nakilalang grupo ng kalalakihan gamit ang isang improvised shotgun kamakalawa ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang biktimang si Joseph Meneses, binata, miyembro ng Sigue-sigue Sputnik gang at naninirahan sa Perla St., Tondo, Maynila sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa tiyan.
Wala pang matukoy sa pagkilanlan ng mga suspek ang pulisya.
Nabatid sa ulat, dakong alas-10:15 ng gabi ng maganap ang insidente sa Plaza Morga, Tondo, Maynila.
Nakaupo umano ang biktima sa concrete bench sa Plaza Morga nang lapitan ng grupo ng mga suspek at sabay baril ng shotgun sa una. Mabilis na nagsitakas ang mga suspect nang makitang humandusay ang target.
Nabatid na kalalaya lamang noong Disyembre 16, 2009 ng biktima mula sa Manila City Jail sa kasong robbery-holdup na naibasura dahil sa kabiguan ng mga complainant na sumipot sa hearing. (Ludy Bermudo)