Task Force Ampatuan, binuo ng NBI

MANILA, Philippines - Binuo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Task Force Ampatuan para sa seguridad ng pag­dadala kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.sa kaniyang arraignment nga­yon (Martes) sa Camp Crame, para sa mas ma­higpit na seguridad kumpara sa isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) dahil sa mas mahabang pagbibiyahe patungong Quezon City.

Itinalaga ni NBI Director Nestor Mantaring na ma­nguna sa composite teams ng Task Force si Head Agent Roland Argabioso, hepe ng NBI-Field Operations Division (FOD). Kabilang din ang Office of the Intelligence Services, Office of the Technical Services at National Capital Region na mag-e­escort kay Ampatuan Jr.

“Mas matindi ito. We will implement a more heighten security because of the long travel. We will make 100 percent sure that we will bring Andal to Camp Crame safe and we will bring him back to his detention cell here at the bureau also safe,” ani Director for Intelligence Ruel Lasala.

Hindi umano magiging kampante ang NBI kahit wala silang pormal na na­tatanggap na intelligence report na planong ambush kay Ampatuan Jr. subalit may impormasyon sa death threats nito na itinuturing nilang ‘hilaw’ pa.

“We are prepared for all possible scenarios and we have prepared alternative plans for that,” ani pa ni Lasala.

Isasakay sa isang bullet-proof vehicle habang naka­suot ng bullet vest at naka­posas si Ampatuan Jr. sa pagtungo sa trial at pagba­balik sa kaniya sa NBI jail. (Ludy Bermudo)

Show comments