MANILA, Philippines - Isang 46-anyos na guidance counselor ng isang paaralan ang namatay nang uminom ng kemikal na liquid sosa sa kanyang bahay sa La Loma, Quezon City kahapon.
Nakilala ang biktima na si Nenita Comoda Pacdul, guidance counselor ng Osmeña High School at residente ng 114 Bolosan St., Brgy. Paang Bundok, La Loma.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili ng Quezon City Police District, marital problem o problema sa asawa ang dahilan umano ng pagpapatiwakal ni Pacdul.
Sinabi ni Pacdul na lumilitaw sa pangunang imbestigasyon na merong hindi mapagkasunduan sina Pacdul at asawa nitong si Agustin bago naglason ang biktima.
Bandang alas-6:30 ng umaga nang matagpuang patay na sa loob ng banyo sa kanilang bahay si Pacdul.
Sinabi ni Agustin na magkasabay pa silang natulog ng kanyang asawa hanggang sa paggising niya at magpunta sa banyo ay bumulaga sa kanya ang naturang biktima na wala nang buhay at nasa tabi nito ang isang plastic na bote ng liquid sosa.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, dahil sa matindi ang kemikal, sumuka nang ilang ulit ang biktima bago tuluyang nalagutan ng hininga.