MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang pagpapaputok ng baril ng mga abusadong pulis sa pagsalubong sa Bagong Taon, personal na pinangunahan ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) at ni QC Mayor Sonny Belmonte ang pagselyo sa service firearms ng mga kapulisan sa lunsod pati na ang mga security guard sa city hall.
Pasado alas-8 kahapon ng umaga, nang simulan nina QCPD Director Chief Supt. Elmo San Diego at mga deputies na sina Sr. Supt. Hernando Zafra, Sr. Supt. Audie Arroyo, at Sr. Supt. Clarence Guinto ang paglalagay ng masking tape sa dulo ng mga baril ng mga kapulisan.
Sumunod nito ay sabay-sabay na nagtungo ang buong tropa ng QCPD sa Quezon City hall upang makiisa naman sa gagawing paglalagay ng tape ni Mayor Belmonte sa mga service firearms ng mga security guard na nakatalaga dito.
Ayon kay Belmonte, taun-taon ay ginagawa nila ang ganitong sistema ang paglalagay ng tape sa mga baril ng kapulisan lamang, ngunit ngayon ay isinabay na nila ang mga security guard.
Kasunod nito, nanawagan din ang alkalde sa mga security agencies sa lahat ng establisimento sa lungsod na gawin ang ganitong sistema para na rin sa kapakanan ng nakakaraming mamamayan na masayang sasalubong sa pagpapalit ng taon.
Nilinaw naman ng alkalde, na bagama’t naselyuhan ang mga baril ng mga ito ay hindi nangangahulugan na hindi na nila maaring gamitin ito, lalo na kung may naka-ambang panganib at paglaban sa mga kriminal na nagbabadyang maghasik ng kaguluhan sa lungsod.
Samantala, nanawagan naman sa publiko si San Diego na tumawag sa 925-8417 / 4743106 / 0915-2581066 kapag may nakita silang mga tauhan ng PNP, security guard at sibilyan na nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong taon. (Ricky Tulipat)