MANILA, Philippines - Tinapalan na ng masking tape ang mga nguso ng baril ng 15,000 pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) umpisa kahapon upang matiyak na wala sa kanilang hanay ang iligal na magpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa isang simpleng seremonya, pinangunahan ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales ang pagtatapal sa mga baril ng kaniyang mga tauhan upang ipakita sa publiko ang pagiging ehemplo sa disiplina laban sa pagpapaputok ng baril.
Pinirmahan pa ni Rosales ang ilan sa mga masking tape na itinapal sa mga nguso ng baril habang inatasan nito ang mga district directors, station commanders at unit heads na gawin rin ito upang matiyak na hindi tatanggalin at saka ibabalik ng mga pulis ang tapal.
Sa kabila nito, maaari lamang umanong magpaputok ang isang pulis sa oras ng emergency, pagresponde sa krimen at paglaban sa mga organisadong grupo ng mga kriminal.
Isinapinal naman ni Rosales at limang district director ang paglalatag ng seguridad sa Metro Manila kung saan nasa 10,000 pulis ang ipakakalat sa mga istratehikong lugar, paglalatag ng checkpoints at chokepoints at pagbabantay sa mga vital installations upang hindi mabulaga ng mga terorista.
Hiniling rin naman ng NCRPO sa mga lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay na magtalaga ng “firecracker zones” sa kanilang lugar upang mabawasan ang mga nabibiktima ng pagsabog ng paputok na umaakyat na ngayon.(Danilo Garcia)