MANILA, Philippines - Inakalang lumuwas ng Maynila mula sa Leyte ang isang 54-anyos na ama upang makasalo sa Pasko at Bagong Taon ang anak, subalit ilang oras pa lamang ito sa tahahan ng anak ay natagpuang patay matapos magbigti, kamakalawa ng gabi, sa Sampaloc, Maynila.
Natagpuang nakabigti sa sintas ng sapatos ang biktimang si Felix Laguna, dating karpintero, ng Baybay Leyte at pansamantalang nanuluyan sa bahay ng anak na si Cynthia Laguna, sa 721 Domingo Santiago St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Det. Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7 ng gabi nang madiskubre na wala nang buhay sa loob ng banyo ng bahay ng anak si Mang Felix.
Nabatid na kaluluwas lamang nito mula sa Baybay, Leyte upang gugulin ang Pasko at Bagong Taon sa anak, bandang alas-5:30 ng hapon ay nakita pa itong na kikipanood ng karera ng kabayo sa isang Off Track Bet (OTB) sa ibaba ng kanilang bahay.
Ilang oras ang nakalipas nang sabihan si Cynthia ng boarder na si Mary Anne Maravilla, na naka-lock ang kanilang banyo kaya nagtawag ng kasama upang sapilitan itong buksan at doon tumambad ang patay na ama na nakabitin sa shower head gamit ang sintas ng sapatos.
Pinaniniwalaang desperado na sa buhay ang biktima dahil malala umano ang sakit nito sa atay, na posibleng mauwi sa kanser, base sa mga dala-dalang reseta at naging pagtaya umano ng doktor.