2 dalagita minolestiya ng Kano

MANILA, Philippines - Doble-malas ang inabot ng isang Ame­ri­kano na manedyer ng isang call center matapos habulin ng mga pulis dahil sa paglabag sa batas-trapiko at pamba­bastos sa dalawang dalagita na na-pick-up niya sa Sta. Cruz, Manila kahapon ng ma­daling-araw.

Ang suspek ay kinilalang si Glen Odom, 48, may-asawa, ng ICTG at residente ng No. 41 Melon St., Valle Verde Subd., Pasig City. Nagsimula ang habulan ng mga pulis at ni Odom na lulan ng kotse nito sa C.M Recto Avenue at Legarda Streets sa Sam­paloc, Manila hanggang sa bahagi ng San Juan City.

Nakorner ang suspek sa Corda St., malapit sa panulukan ng Cortiver St., sa San Juan City. Wala umano itong ma­ipa­kitang lisensya kaya siya inaresto.

Nang buksan ang sasakyan ay nakita ng mga pulis sa loob ang isang 13 at isang 14 anyos na mga dalagita na nagsabi namang pilit lamang silang pinasakay ng dayuhan sa sasakyan nito habang sila ay naglalakad sa Batangas St., Sta. Cruz. Habang nasa loob ng sasakyan, pina­kitaan umano sila ng ari ng Kano at pilit silang pinaghuhubad.

Sa panig ng mga magulang ng 2 dalagita, sinabi nila na ang alam nila ay magsisimbang-gabi ang mga anak.

Pina­bulaanan naman ng dayuhang suspek ang mga akusasyon. (Ludy Bermudo)

Show comments