MANILA, Philippines - Isang kotse ang kinarjack kung saan dinala pa ang isang taong gulang na sanggol na sakay nito ng tatlong kalalakihan kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Nagsasagawa na nang follow-up at rescue operation ang mga kagawad ng Las Piñas City Police para masagip ang paslit na biktima na si Ashton Rykhel Ramirez.
Ayon sa sumbong nina Robinson A. Ramirez at Janice Karen Dela Cruz, ng Satorre St., Imus, Cavite at mga kaanak ng biktima, naganap ang insidente dakong alas-2:40 ng umaga sa kahabaan ng J. Aguilar Avenue, Las Piñas City.
Nabatid na kasama nila ang sanggol at sakay sila ng kanilang sasakyang Toyota Revo na kulay maroon (WRH-916).
Habang binabagtas nila ang nabanggit na lugar, bigla silang hinarang ng tatlong kalalakihan na pawang magkakaangkas sa isang motorsiklo, na hindi nakuha ang plaka.
Tinutukan ng baril ang mga biktima at saka pinababa sa sasakyan at naiwan sa loob ang sanggol na si Ashton.
Tuluyang itinakas ng mga suspect ang sasakyan at kasamang tinanggay ang bata sa loob.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigayon ang Intelligence Unit, ng Las Piñas City hinggil sa naturang insidente.