'Mat Ranillo', 3 pa sugatan sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Sugatan ang apat katao matapos na tamaan ng ligaw na bala mula sa isang bagitong pulis sa loob mismo ng Manila City Hall kahapon ng hapon.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga kung saan sugatan ang mga biktima na sina Mat Ranillo, (kapangalan ng aktor) 26, Powell Guillos, 19; Anita Claer Dote, 64; at Roberto Valera, ng City General Service Office.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagre-reload ng bala si PO1 Rex Binayug ng Manila Police District Station 2 sa exit gate ng City Hall matapos dumalo sa isang hearing nang hindi sinasadyang pumutok ang baril nito at  tumama ang bala sa ground floor. Sumabog  ang bala kung saan ang mga maliliit na piraso nito ay tumama sa apat na biktima. Agad namang sumuko ang pulis matapos ang insidente.

Napag-alaman pa na ang isa sa biktima na si Dote ay kasama ng kanyang anak na bagong kasal pa lamang at palabas na ng City Hall upang pumunta sa reception nang maganap ang insidente.

Papalabas din naman sina Ranillo at Guillos matapos mag-caroling nang mapabilang sa tinamaan ng ligaw na bala, kabilang si Valera na nasa di kalayuan at papasok naman sa gate. (Doris Franche)

Show comments