MANILA, Philippines - Nabuwag na ang kilabot na sindikato ng droga na tinaguriang “Manap Drug group” na nag-ooperate sa Cabadbaran City matapos na masawi sa engkwentro ang itinuturing na lider nito sa pagitan ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 13 makaraan ang buy-bust operation sa Agusan del Norte kamakalawa.
Kinilala ni PDEA Director/General Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, ang nasawi na si Ali Manap, lider of the Manap drug group.
Ayon kay Santiago, si Manap ang target ng operasyon ng grupo dahil kasama ito sa listahan ng most wanted drug personalities sa rehiyon.
Arestado rin ang mga kasamahan nitong sina Camar Gumama, Ajid Tanday at Samshia Nasser, gayundin ang dalawang menor de edad na lalaki.
Nag-ugat ang insidente nang magsagawa ng buy-bust operation ang nasabing tropa sa may Brgy. Matabao, Buenavista pasado alas- 10 ng gabi.
Bago nito, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad na si Manap ay nagtatago sa nasabing lugar upang agad na magsagawa ng surveillance. At nang maging positibo ay saka isinagawa ang buy-bust operation.
Sinasabing isang poseur buyer ang nagpanggap na bibili ng droga kay Manap ngunit nang makapalitan ng items ay nakatunog na ito at pinaputukan ang mga awtoridad dahilan upang gumanti ng putok ang mga huli at mapatay ang suspect.
Matapos ang palitan ng putok ay nakitang nakabulagta si Manap habang ang ibang kasamahan nito ay kusa namang sumuko.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang piraso ng plastic sachet ng shabu; isang piraso ng P500 marked money; isang unit ng Nokia 1200; isang wallet at isang kalibre .45 pistola, na siyang ginamit ni Ali sa pakikipagbarilan sa awtoridad. (Ricky Tulipat)