MANILA, Philippines - Mistulang nabalewala ang pinaigting na seguridad ng tropa ng Quezon City Police matapos na umatake ang grupo ng carjackers sa magkahiwalay na insidente ilang minuto lamang ang pagitan, iniulat kahapon.
Ayon sa report, unang tinangay ng mga carjackers ang isang Toyota Fortuner (NAO-906) na pag-aari ng isang Arnel Limpin na mata tagpuan sa West Fairview ganap na alas-11 ng gabi.
Ayon kay Limpin, kabababa lamang niya ng kanyang sasakyan para buksan ang gate ng kanilang bahay ng harangin siya ng isa sa tatlong suspek habang ang isa ay agad na sumakay sa kanyang sasakyan at tangayin ito.
Sinasabing ang mga suspek ay may back- up na Sedan at mabilis na itinakas ang sasakyan patungo sa Regalado Avenue, na ginagamit na short-cut patungong Caloocan City at probinsya ng Bulacan.
Ilang minuto lamang ang nakakalipas matapos tangayin ang sasakyan ni Limpin, isang bagong Nissan Escapade na pag-aari ng negosyanteng si Adelio Cortes ang tinangay naman sa may Albay St. sa Bago Bantay.
Diumano, nakaparada ang sasakyan ni Cortes sa harap ng kanyang hardware sa naturang lugar nang magulat siya nang biglang makita na minamaneho na ito ng hindi nakikilalang kalalakihan. Tinangka niyang habulin ngunit mabilis na humarurot ang sasakyan papalayo sa nasabing lugar.
Ayon sa pulisya, posibleng iisang grupo lamang ang sangkot sa nabanggit na insidente na nakabase sa probinsya ng Bulacan.(Ricky Tulipat)