Parak na pumatay sa parak, timbog

MANILA, Philippines - Arestado na ang isang pulis na pumatay sa kanyang kabaro kahapon sa Caloocan City.

Kasong murder at frustrated murder ang isinampang kaso sa suspek na si PO1 Stephen Hernandez, nakatalaga sa Quezon City Police Mobile Patrol Unit habang nakatakas ang isang hindi pa nakikilalang kasama nito.

Magugunita na noong Disyembre 13, 2009, alas-2:30 ng umaga, nadaanan ng mga biktimang sina PO2 Rex Azusano, 31 ng Caloocan City Police at angkas sa motorsiklo na guwardiyang si John Schmidt, 43 na nagwawala ang mga suspek sa MacArthur highway ng lungsod.

Hinintuan ni Azusano at nagpakilalang pulis sa mga suspek upang payapain ang mga ito subalit nagsibunot ng baril sina Hernandez at pinutukan ang una. Agad na tumimbuwang at namatay sa Azusano habang tinamaan sa likod si Schmidt.

Kamakalawa ng gabi, natunton ng mga Caloocan City Police si Hernandez na nagpapagamot ng tama ng bala sa Quirino Memorial Medical Center kung saan pinayagan ito ng mga doktor na madala na ng mga awtoridad at masampahan ng nasabing kaso. (Lordeth Bonilla)

Show comments