MANILA, Philippines - Pinasagasaan sa pison at pinasunog ni Manila Mayor Alfredo Lim ang may P300,000 halaga ng iba’t ibang klase ng expired o paso nang pagkain na nakumpiska sa isang bodega malapit sa barangay hall at sinasabing pag-aari ng isang barangay kagawad sa Villalobos, Quiapo, Maynila.
Agad ding pinakasuhan ni Lim ang naarestong si Kagawad Tita Corpuz na residente ng 258 Isla de Romero St., Quiapo at kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng District Special Project Unit ng Manila City Hall.
Ayon kay P/Sr.Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Investigation and Follow-up branch ng DSPU-Manila City Hall, isang nagngangalang “Bernadette” ang nagtungo sa kanilang tanggapan at inireklamo ang pagtatae ng kanyang anak matapos makainom ng powdered chocolate na binili kay Corpuz na isa ring vendor sa Villalobos.
Mabilis na nagsagawa ng isang operasyon sina Reyes para masakote ang suspect kung saan nagpanggap na buyer ng mga expired na pagkain si PO2 Sabino Panganiban na bumili ng isang galon ng catsup, tofu, french mustard, lata ng mandarin oranges, dalawang lata ng cream corn, tatlong lata ng Maling corned beef, tatlong lata ng Maling sausage at dalawang piraso ng Dove soap.
Pagkakuha ni Corpuz ng P300 marked money ay agad siyang inaresto ng grupo ni Reyes at dinala sa DSPU. Nakakumpiska din ng kahon-kahon pang expired na pagkain tulad ng de lata, pasta, noodles, sotanghon, lasag na kape, choco spread, Maling corned beef at sausages, UFC ketchup, keso, sunflower seeds at iba pang pagkain na paso.
Dahil dito, pinag-iingat ni Lim ang publiko sa pagbili ng mga pagkain partikular ang inihahanda sa Noche Buena dahil lubhang mapanganib sa kalusugan ng publiko ang makabili ng mga expired. (Doris M. Franche)