MANILA, Philippines - Isinailalim mula kahapon sa heightened alert ang puwersa ng National Capital Regional Police Office kasabay ng utos ni NCRPO Chief Director Roberto Rosales ang ibayong pagtatalaga ng mga checkpoint para maiwasang umabot dito sa Metro Manila ang kasalukuyang kaguluhan sa Maguindanao.
Inatasan ni Rosales ang limang district director at 37 station commander na magsagawa ng malawakang mga checkpoint para mapigilan ang pamilya ni Datu Unsay, Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr. na magpuslit ng mga baril at pampasabog sa kalakhang Maynila.
Si Ampatuan Jr. ang pangunahing suspek sa pamamaslang sa may 57 katao sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23.
Nagpatulong din si Rosales sa Aviation Security Group at Maritime Command sa pagtunton sa mga armas ng mga Ampatuan. (Non Alquitran)