Sangkot din sa pag-salvage sa 3 totoy, 3 karnaper todas sa shootout

MANILA, Philippines - Tatlong pinaniniwala­ang karnaper na dawit din sa pagsalvage sa tatlong binatilyo ang nasawi maka­raang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang papatakas sakay ng getaway na isang Isuzu Crosswind sa lungsod Quezon kahapon ng ma­daling-araw.

Isa sa tatlong nasawi ay kinilala sa alyas na “Pol­kat”, 25-30, habang ina­alam pa ang pagkakaki­lan­lan ng dalawa nitong ka­sama. Ayon sa pulisya, bu­kod sa kasong carnapping, ang tatlo ring suspek ang itinurong pumatay sa 15- anyos na Efren Cabacu­ngan, out of school youth at residente ng Acapulco St., Block 5, Payatas A, na itinapon ang bangkay sa may kanal ng Motorolla St., corner Payatas Road, Brgy. Commonwealth sa lungsod nitong Huwebes ng alas-7 ng umaga.

Si Cabacungan ay pi­naniniwalaang runner o utusan ng mga suspek sa kanilang sindikato at ma­rami nang nalalaman sa grupo kung kaya pinatay ito. Ganap na ala- 1 ng ma­daling-araw nang mang­yari ang engkwentro sa pagitan ng mga suspek at mga operatiba ng Police Station 6 ng QCPD sa may tapat ng Sandiganbayan, Commonwealth Avenue sa lungsod.

Samantala, matapos ang engkwentro, dalawang teenager na out of school youth din na biktima ng salvaging ang natagpuan sa may Litex Road, corner Payatas Road, Brgy. Com­monwealth, pasado alas-7 ng umaga, ilang hakbang lang ang layo sa Motorolla St. kung saan itinapon ang bangkay ni Cabacungan.

Nakilala ang mga ito na sina Vincent Mahilom, 14, at Albino Crisostomo, 15, Block 5, Gravel Pit, Brgy. Payatas sa lungsod.

Pawang mga naka­gapos ang mga kamay at paa ng dalawa, at tadtad ng tama ng saksak sa ka­nilang mga katawan nang matagpuan ng mga resi­dente sa nasabing lugar habang nakasilid sa sako.

Ayon pa sa pulisya, posibleng may kinalaman din ang mga suspek sa da­lawang bangkay ng teen­ager na itinapon sa lugar na tulad ng ginawa nila kay Cabacungan.

Show comments