MANILA, Philippines - “Bago ako sa politika, pero luma na sa serbisyo at hindi trapo.” Ito ang pahayag ni Liberal Party QC Vice mayoral candidate Joy Belmonte bilang reaksiyon sa mga taong kumukuwestyon sa kanyang kakayahan para tumakbo bilang bise-alkalde sa lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Belmonte na makaraang makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay nagsimula na ang kanyang pagseserbisyo sa mga tao bilang isang guro sa mga mahihirap na mamamayan ng Bukidnon.
“Doon nakita ko at napagsilbihin ko ang mga taong nararapat na tulungan para matuto at makapag-aral. Doon, walang malinis na tubig, walang ilaw kaya’t alam ko ang maglingkod sa mga tao at alam ko ang kahirapan kaya’t nais ko pang higit na makatulong sa taumbayan,” pahayag ni Belmonte.
Anya, bilang Pangulo ng Ladies Foundation, buong puso siyang naglingkod sa mga tao na walang bayad at walang hinahangad na kapalit.
Idinagdag pa nito na dahil halos nagawa nang lahat ng kanyang ama na si QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte ang pagpapaunlad sa lungsod, paglalaan ng hanapbuhay at pag- aaral sa mga mahihirap pero deserving students, infrastructure at itutuloy niya ang magandang sinimulan nito.
Higit niya anyang pagyayamanin ang mga nagawang kabutihan ng ama sa pagpapaunlad sa ekonomiya at kabuhayan ng mga taga-QC sa pamamagitan ng higit pang pagpapalakas sa mga poverty alleviation programs dahil 40 porsiyento ng mga taga-lungsod ay nasa poverty level. (Angie dela Cruz)