MANILA, Philippines - Namuo ang tensyon sa rally ng mga mamamahayag at militanteng grupo para sa panawagang hustisya sa mga Maguindanao massacre victims nang batuhin ng nilamukos na dyaryo, damo, takip ng bote at iba pa ng ilang raliyista si Presidential Spokesman at Press Secretary Cerge Remonde sa paanan ng Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola) malapit sa Malacañang kahapon ng tanghali.
Una nang pinigilan ng NPC si Remonde sa pagpunta sa Mendiola para harapin ang mga mediamen at ibang protesters pero nagpumilit ito at igniit na nais nitong marinig ang hinaing ng mga raliyista at mediamen dahil isa rin siyang dating journalist.
Pero palapit pa lamang si Remonde sa mga raliyista ay agad siyang sinalubong ng mga sigaw at bulyaw at tinawag na berdugo.
Nang tinawag at ipinakilala si Remonde para magsalita ay bigla na lamang inagaw ang microphone ng isang militante at sinabing hindi maaaring magsalita sa “programa ng bayan” ang taga-Malacañang na isa umanong sinungaling.
Gayunman, nabigla ang lahat ng nasa pagtitipon nang hindi pa halos nakakapagsalita si Remonde sa entablado ay mabilis siyang kuyugin ng mga aktibista at isa rito ang bumato ng lata ng softdrinks, bote ng mineral water, at nilamukos na papel sa kalihim.
Naawat naman ang gulo at nailayo doon si Remonde.