MANILA, Philippines - Dalawang empleyado ng isang slaughter house o katayan ng hayop ang namatay nang tambangan at pagbabarilin sila ng mga armadong lalaki habang naghahatid sila ng mga baboy sa Barangay Fairview, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang mga biktima na sina Ramy Latigo, 32, may-asawa, at Reynante Grenas, 40, may asawa. Si Latigo at Grenas ay operational manager at matadero, ayon sa pagkakasunod, ng Naculangga Hog Dealer.
Ayon kay SPO2 Leonardo Pasco, hepe ng Investigation Unit ng Quezon City Police, tatlong mga armadong kalalakihan na lulan ng isang itim na wagon na walang plaka ang nanambang sa mga biktima.
Nakaligtas sa pamamaslang ang mga pahinanteng kasama ng mga biktima na sina Renato Villarosa, Loredo Escopeta, George del Monte at Jessie Remadero.
Sa ulat ni PO2 Norlan Margallo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue, Casa Milan Neopolitan Village, Barangay Fairview.
Tumatahak sa naturang lugar para maghatid ng mga baboy na lulan ng Isuzu Elf at nagmula pa sa Tungkong Mangga sa San Jose Del Monte, Bulacan ang mga biktima nang paulanan sila ng bala ng mga suspek.
Nakaligtas naman sa pamamaril ang iba pa nilang kasamahan na nakasakay sa likuran ng naturang sasakyan.