MANILA, Philippines - “Hindi ko matanggap ang ginawa mo, Flor. Handa akong pumatay at mamatay.”
Ito ang huling katagang narinig mula sa isang 50-anyos na barangay tanod matapos barilin at mapatay ang kanyang nobyang 44-anyos bago barilin ang sarili na nagresulta sa kapwa nila kamatayan sa Bacood, Sta. Mesa, Maynila kahapon ng umaga.
Kapwa nakalugmok na duguan ang mga nasawing sina Flor Laurel, hiwalay sa asawa, stay-in housemaid at Guillermo Araojo, tanod ng Barangay 601 Zone 59 District 6 at residente ng 3372 2nd St., Bacood.
Naganap ang insidente bandang alas-7 ng umaga sa bahay ng amo ni Laurel na si Myrna Ferrera, 36, sa 3643 Lingayen St., Bacood.
Sinabi ni Ferrera sa mga imbestigador na, bago naganap ang insidente, kamakalawa ng gabi ay dumating na nakainom si Araojo sa kanilang bahay at hinahanap si Laurel.
Pinayagan niyang makapag-usap ang dalawa. Narinig niya umano ang pagtatalo ng dating magkasintahan at mga bagay na ipinasosoli ng babae sa lalaki subalit sinabi ng huli na magkita sila sa barangay hall.
Dalawang oras ang nakalipas, ipinatawag na sa barangay hall ang kanyang katulong para magka-ayos sa problema at inihatid pa umano ng lalaki ang nobya sa bahay ng employer.
Kinabukasan, muling bumalik si Araojo at nag-usap muli ang dalawa at pilit umanong hinihimok ng una ang babae na magkabalikan sila.
Ilang minuto lamang ang nakalipas ay napansin ni Ferrera na takot na takot si Laurel na paiwas sa nobyo at nakita niyang may hawak na dyaryo ang lalaki at nakabalot doon ang kalibre .38 baril.
Sa takot na madamay, nagtago ang nasabing amo at narinig niya ang mga sinasabi ni Araojo kay Laurel na “Hindi ko matanggap ang ginawa mo, Flor. Handa akong pumatay at mamatay.” Nabatid na nasa kanilang lalawigan ang tunay na asawa ni Laurel.
Nang lumabas ng bahay si Ferrera ay narinig niya ang magkasunod na putok at nang alamin ay kapwa nakahandusay na duguan ang dalawa at patay na.