MANILA, Philippines - Nagtungo kahapon sa National Bureau of Investigation ang artist-writer na si Marlene Aguilar, kapatid ng folk singer na si Freddie Aguilar, kaugnay sa subpoena sa kanya hinggil sa pagkakasangkot ng anak niyang si Jason Ivler sa kasong pagpatay kay Renato Victor Ebarle Jr.
Mariing itinanggi ni Marlene na may kinalaman siya sa pagtatago ng kanyang anak na huling nakasama niya noong Nobyembre 19. Iginiit din ang kanyang paniniwala na na-“frame-up’’ lamang ang kanyang anak.
Humarap si Marlene at abogado nitong si Atty. Alexis Medina kay NBI-Special Action Unit Chief Atty Angelito Magno para magbigay ng statement kaugnay kay Ivler na itinuturong bumaril kay Ebarle Jr. noong Nobyembre 18 sa panulukan ng Boni Serrano at Granada sts., sa Quezon City.
Kamakalawa ay nagbabala na ang NBI na makakasuhan ng obstruction of justice ang sinumang nagkakanlong o magkakanlong kay Ivler.
Samantala, inihayag ng National Capital Regional Police Office ang pagtataas ng reward money sa P.5 milyon para sa impormasyong magiging dahilan sa pag-aresto kay Ivler.
Umaasa umano si NCRPO Director Roberto Rosales na makakatulong ang pagdaragdag sa reward money buhat sa dating P200,000 sa mabilis na pagkakadakip kay Ivler.
Ang biktima ay anak ni Undersecretary Renato Ebarle Sr. ng Office of the Presidential Chief of Staff.
Umapela rin ito sa mga kaanak at kaibigan ni Ivler na nakakausap pa nito na kumbinsihing sumuko upang mailayo ito sa posibleng kapahamakan dahil sa kanyang patuloy na pagtatago.