MANILA, Philippines - Inatasan ni Manila Mayor Alredo Lim ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) na i-surveillance ang Islamic Center sa lungsod upang maiwasan ang gulo na maaaring idulot ng tensyon na nagaganap sa Maguindanao.
Sinabi pa ng Alkalde na ang lokal na pamahalaan at kapulisan ay hindi hahayaang magkaroon ng kaguluhan sa Maynila.
Inatasan na rin ni Lim ang MPD na manmanan ang mga bagong mukha at posibleng pagpupuslit ng mga armas sa Islamic community.
Ang nasabing kautusan ay bunsod sa pag -take over ng militar sa tatlong local government buildings sa Maguindanao province upang maiwasan ang kaguluhan habang sumusuko si Datu Unsay town Mayor Andal Ampatuan Jr. sa pulisya kahapon ng umaga.
Si Ampatuan Jr. ang sinasabing utak sa pag- masaker sa 57 katao sa bayan ng Ampatuan noong Lunes. (Gemma Amargo-Garcia)