MANILA, Philippines - May 200 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na maispatan ang dalawang kalalakihang nagdidiskarga nito sa isang bus terminal sa lungsod Quezon kahapon ng madaling- araw.
Ayon kay PDEA director general Dionisio R. Santiago, ang nasabing marijuana ay mula sa Cagayan Province at nakatakdang ideliber sa Metro Manila sa pamamagitan ng bus.
Kinilala ang mga naaresto na sina Macario Guiang, na siyang may dala ng nasabing kontrabando at Marmilito Magno, taxi driver na siyang mag hahatid sana ng mga nasabing iligal na droga.
Sinasabing nadakip ang mga suspek makaraang makarating sa tanggapan ni Santiago ang impormasyon hingil sa pagluwas ng isang lalake na may dalang saku-sakong pinatuyong marijuana sakay ng isang pampasaherong bus.
Pasado alas-3 ng madaling-araw nang dumating ang Ballesteros Bus na may body number 8668 galing Cagayan Province kung saan bumaba mula rito si Guiang at sinimulang idiskarga ang ilang sako at kahon ng sigarilyo sa taxi ni Magno.
Dito ay sinimulan ng operatiba na inspeksyunin ang nasabing kargamento hanggang sa matuklasan ang nasabing mga droga na mistulang bricks.
Inaresto din ang nasabing mga suspek at dinala sa himpilan ng PDEA kung saan inihanda ang kasong paglabag sa Section 5 o transporation of dangerous drugs at section 11 possesion of dangerous drugs, artikulo 2 ng Republic act 9165. (Ricky Tulipat)