Kotse ng apo ng PDEA director salpok sa poste, sugatan

MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y prob­­lema sa pag-ibig, na­walan ng kontrol sa pag­ma­maneho ang babaeng apo ni Philippine Drug En­force­ment Agency (PDEA) Di­rector Dionisio Santiago kung saan sumalpok ang sinasakyan nitong kotse sa isang poste sa tapat ng St. Paul College, kamakalawa ng madaling-araw sa Pasig City.

Mismong si ret. Gene­ral Santiago pa ang per­sonal na nagsugod ka­sama ang mga miyembro ng Pasig Rescue Team sa pagamutan sa biktimang si Monica Rivera, at resi­dente ng Makati City.

Sa inisyal na ulat, na­ga­nap ang aksidente sa ka­habaan ng St. Paul St., sa Brgy. Ugong, Pasig City.  Na­­batid na may ka­usap umano sa cellphone ang bik­tima nang mawa­lan ng kontrol at bu­mangga sa isang poste sa tapat ng St. Paul College ang kanyang mi­nama­nehong Toyota Vios.

Dito tuluyang natumba ang naturang poste kung saan nagkaroon ng “do­mino effect” nang bumag­sak din ang dalawa pang poste sa naturang kal­sada. Nabagsakan naman ng mga kable ng kuryente ang taxi na minamaneho ni Juan Recto na sandaling naipit sa loob ng sasakyan.

Masuwerte namang agad na naputol ang sup­lay ng kuryente sa natu­rang linya kaya naiwasang makuryente si Recto ha­bang nasa loob ng taxi.  Agad namang rumespon­de sa aksidente ang mga miyembro ng Ugong Res­cue Team na tumulong kina Recto at Rivera.

Nagdulot naman ang aksidente ng “brown-out” sa naturang lugar kung saan sinuspinde rin kaha­pon ang pasok ng mga mag-aaral sa St. Paul College. Sinabi ni San­tiago na pauwi na ang kan­yang apo sa Makati City nang ma­walan ng kontrol sa pag­ma­maneho. Ito mis­mo ang nagbulgar na problema sa pag-ibig ang dahilan ng aksidente dahil sa nawala sa sarili ang apo matapos na makipaghi­walay sa kanyang nobyo.

Ayon naman sa isang rescuer, inamin umano ni Rivera na nakainom siya. Pinag-aaralan pa naman ngayon ng mga awtoridad kung ano ang maaaring isampang kaso laban kay Rivera. (Danilo Garcia)

Show comments