MANILA, Philippines - Libu-libong mga mala laswang panoorin at DVD ang dinurog kahapon sa Manila City Hall sa pangunguna ni Mayor Alfredo Lim at Optical Media Board chairman Ronnie Ricketts matapos na magsagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ng Manila Police District sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Ayon kay Lim, ngayon pa lamang ay dapat nang matigil ang bentahan ng mga pornographic DVD na nagiging dahilan ng mga krimen kabilang na ang mga panggagahasa at pang-aabuso sa mga bata.
Aniya, ngayong naipasa na ang Anti- Child Porno Law, mas magiging matibay ang kanilang paninindigan upang maipatupad ang batas na matagal na ring ipinaglaban ng iba’t ibang sektor.
Sinabi ni Lim, na kanyang inatasan si MPD director Chief Supt. Rodolfo Magtibay na tukuyin ang mga lugar na talamak ang bentahan ng mga DVDs upang agad na maipasara at mapatawan ng kaukulang parusa.
Iginiit naman ni Ricketts, na nakikipag-ugnayan na rin sila sa lahat ng mga local officials sa bansa upang tuluyan nang mapatigil ang bentahan ng mga malalaswang panoorin. (Doris Franche)