MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong murder ng pamunuan ng Quezon City Police si Jason Ivler ang umano’y killer ng anak ng opisyal ng Malakanyang dahil lamang sa simpleng away sa tra piko sa lungsod kamakailan.
Ayon sa pulisya, ang pagsasampa ng kaso ay bunga ng pagkabigo nilang makuha si Ivler, 27, sa tatlong bahay kung saan pinalalagay nilang nagtatago ito. Si Ivler ay sinampahan ng kaso sa Quezon city Prosecutor’s Office kahapon bunga ng pagpatay kay Renato Victor Ebarle Jr., anak ng Presidential Chief of Staff Undersecretary Renato Ebarle Sr.
Iginiit ng pulisya na si Ivler ay personal na itinuro ng tatlong testigo na siyang paulit-ulit na bumaril kay Ebarle noong gabi ng Nobyembre 18, sa may Santolan Road malapit sa Ortigas Avenue, Brgy. Valencia matapos ang pagtatalo sa trapiko.
Nitong Sabado, nilusob ng tropa ng mga tropa ng NBI-SAF, Highway Patrol Group, Criminal Investigation and Detention Unit ng Quezon City Police District, at Special Weapon and Tactics (SWAT) ang bahay ng mang-aawit na si Freddie Aguilar sa New Manila, at Blue Ridge na pag-aari naman ni Marlene Aguilar, nanay ni Ivler, at ang bahay ni Stephen Pollard, stepfather ni Ivler, sa #18 at 23 Hillside Drive, Blueridge A, Libis, Quezon City, pero bigo silang mahuli ang suspect.
Samantala, nilinaw ng pulisya na ang pagsalakay na kanilang ginawa sa tatlong bahay ay may koneksyon sa warrant of arrest sa dating kaso ni Ivler noong 2004 na reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Dito si Ivler, ay may outstanding warrant of arrest dahil sa pagkamatay ng isang Nestor Ponce, undersecretary ng Malakanyang noong 2004. Kinasuhan si Ivler ng Pasig City Court noong August 2004 dahil sa pagkamatay ni Ponce. (Ricky Tulipat, Angie dela Cruz at Ludy Bermudo)