Tanod tinodas ng driver

MANILA, Philippines - Patay ang isang 53-anyos na barangay tanod matapos saksakin ng isang pedicab driver, dahil lamang sa alitan sa kanilang gawain sa ba­rangay hall, sa Paco, May­nila, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Emmanuel Bernabe, ng Brgy. 736, Zone 80, Dis­trict 5 at residente ng Ma­taas na Lupa cor. Pres. Quirino Avenue, Paco dahil sa tinamong saksak sa katawan.

Sa ospital din bumag­sak ang suspek na si Rolando Bautista, 38, isang pedicab driver, matapos masugatan nang makorner ng mga rumespondeng tanod matapos itong mahulog sa terrace ng bahay na kanyang pinagtaguan. 

Naganap ang insi­dente dakong alas-3:15 ng madaling araw  sa Mataas na Lupa St., sa Paco. Nabatid na nagku­ku­wentuhan ang biktima at kaibigan nito nang du­mating ang suspek at pa­sigaw na sinita ang bik­tima hinggil sa aktibidad sa kanilang barangay.

Nauwi sa pagbubunot ng patalim ng suspek ang maikling pagtatalo at agad na inundayan ng saksak ang biktima saka mabilis na tumakas.

Nadiskubre naman ng mga tanod na   nag­tago ang suspect sa 1214 C-I Mataas na Lupa St., Paco, bahay umano ng kan­yang pinsan at nag­tangkang tumakas sa pamamagitan ng palihim na pagdaan sa terrace subalit minalas na ma­hulog ito at pumutok ang ulo. (Ludy Bermudo)

Show comments