Nanloko ng Pinoy at ng kababayan: Hapones dinampot

MANILA, Philippines - Isang Hapones ang inaresto makaraang ireklamo ito sa Quezon City Police ng panloloko sa kanyang kababayang negos­­yante at isang Pilipino ring negosyante na nakuhanan niya ng kabuuang halagang P200,000.

Ayon kay PO3 Loreto Tigno ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District, si Toshiniko Fuku­nori, nasa hustong gulang, at residente sa lungsod ay dinakip sa isinagawang entrapment operation ng awtoridad sa may panu­lukan ng Morata St., Barangay Anonas kamakalawa ng hapon.

Inireklamo si Fukunori ng mga biktimang sina Rhota Zuka­yama, 38, may-asawa ng #9-A, David St., Barangay Baesa; at Joe Garospe, 32, may-asawa, ng Block 2, Lot 10, Fairview Park Homes, Fairview sa naturang lunsod.

Ayon kay Tigno, nagkukunwari si Fukunori na nagbebenta ng cargo truck na mula sa Japan kung saan hihingi muna ito ng paunang bayad sa kanyang target ngunit matapos maibigay ang pera ay wala namang dumarating na sasakyan.

Una niyang biktima si Zukayama kung saan hiningan niya ito ng kabuuang halagang P150,000 kapalit ang inalok nitong truck.

Nang maging kaibigan ng suspek si Gorospe ay inalok din niya ito ng cargo truck. (Ricky Tulipat)

Show comments