Korean national nagbigti sa hotel

MANILA, Philippines - Isang tinatayang 32-35 anyos na Korean national ang na­tagpuang nakabitin sa loob ng tinutuluyang hotel sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Kinilala sa pangalang Kim Jin Ho ang biktima na nagcheck-in umano sa Eurotel Hotel sa #616 P. Gil St., Ermita, Maynila noon lamang Miyerkules (Nob. 4) para sa isang araw lamang na pamamalagi.

Sa imbestigasyon ni Det. Virgilio Martinez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:50 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng shower room ng tinutuluyang hotel.

Nabatid din na matapos ang isang araw ay nakiusap ang biktima sa hotel na mag-eextend siya ng 3 oras at umorder ng 4 na bote ng beer.

Kamakalawa ng hapon ay kinatok na ang kuwarto ng biktima ng roomboy na si Regino Balmaceda subalit wlang sumasagot sa mahigit 15-minutong pagdo-doorbell.

Ipinaalam niya kay Mike Lalion, hotel manager, dahilan upang gamitan ng duplicate key ang kanyang kuwarto at tumambad sa kanila ang matigas nang katawan ng biktima na nakabitin sa shower room ng kuwarto gamit ang isang curtain cord.

Base sa nakitang ebidensiya, ang curtain cord na binili ng biktima sa isang mall ang ginamit sa pagbibigti, indikasyong plano nito na wakasan ang kanyang buhay.

Base naman sa suicide note na natagpuan sa kaniyang silid, sa lengguwaheng Korean at ipinabasa sa translator, nag­tungo ang biktima sa bansa upang makipag-usap sa kaniyang business partners sa negosyo sa Pilipinas.

Masama umano ang loob sa nangyayari sa kaniyang negosyo at dinamdam din ang pagkamatay ng asawa niyang Koreana, may 45 araw pa lamang lumipas. (Ludy Bermudo)

Show comments