MANILA, Philippines - Kapwa kritikal ang isang pulis at isang holdaper habang sugatan naman ang dalawang kababaihan sa isang holdapan na naganap kamakalawa sa Malabon City.
Inoobserbahan sa Pagamutan Lungsod ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa tiyan ang suspek na si Joseph Francisco, habang nakatakas ang kasama nitong si Ferdinand Mark Avila.
Ginagamot naman sa Chinese General Hosital si PO1 Rugene Paule ng Malabon City Police sanhi ng tama ng bala sa kaliwang singit. Sugatan din sa insidente sina Ma. Luisa Clemente at Carmelita Lisundra.
Naganap ang insidente dakong alas-3:32 ng hapon habang naglalakad sa Pampano St., Brgy. Longos si Clemente nang lapitan at holdapin ng mga suspek.
Hindi ibinigay ni Clemente ang suot na gold bracelet na naging dahilan upang barilin ito ni Francisco. Napadaan na man si Paule sakay ng motorsiklo na agad na rumesponde at nakipagbarilan sa mga suspek. Nahagip ng ligaw na bala si Lisundra. (Lordeth Bonilla)