MANILA, Philippines - Sinampahan ng apat na kasong kriminal sa Quezon City Prosecutor’s Office ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dr. Vicki Belo at dalawa pang doktor ng Belo Medical Group na nagsagawa ng palpak na butt augmentation kay Josefina Norcio.
Gayunman, sinabi ni Norcio bagamat inisyal na tagumpay na niya ito sa nangyari sa kanya, pipilitin niyang malitis sa kasong frustrated homicide sina Belo dahil sa epektong dinulot sa kanyang kalusu gan ng ginawang butt augmentation ng mga ito sa kanya.
Kasong estafa, reckless imprudence, paglabag sa consumers act at paglabag sa revenue code ang sinampa ng NBI kina Belo.
Sinabi ni Trixie Angeles, abogado ni Norcio, pinag-aaralan na nilang maghain ng hiwalay na kaso para sa frustrated homicide dahil ang butt augmentation na ginawa kay Norcio na muntik na nitong ikinamatay dahil sa ginamit na hydrogel.
Bukod kay Dra. Belo, kasama sa kaso sina Dr. Rolando Cayetano at Dr. Francis Decanchon na kapwa naglagay ng hydrogel sa puwet ni Norcio.
Si Belo ang nakakumbinsi kay Norsio na sumailalim sa butt augmentation gamit ang hydrogel na ipinagmalaki nitong 100% safe and permanent, si Cayetano naman ang unang naglagay ng tig-100cc ng hydrogel sa magkabilang puwet ni Norcio habang si Decanchon naman ang nagdagdag ng tig-80cc sa magkabilang puwet ng biktima ng hindi magpantay sa unang procedure.
Ayon kay Angeles, maghahain din sila ng kasong sibil laban kina Belo para maghabol ng danyos pero hindi pa alam ni Norcio kung magkano ang magiging halaga nito.
Sinabi ni Norcio na major victory sa kanya ang pagdedemanda ng NBI kina Belo pero galit ang kanyang naramdaman ng malaman ang resulta ng pagsusuri ng NBI na ang hydrogel na ginamit sa kanya ay may nakamamatay na substance na acroealin. Sarado na umano si Norcio sa anumang posibilidad ng out of court settlement bagkus ay gusto niyang makitang nasa kulungan sina Belo, Decanchon at Cayetano.