MANILA, Philippines - Patay ang isang tinedyer na holdaper matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng pulisya, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Jeric Besa, 19, ng E. Rodriguez Ext. Pasay City, habang nadakip naman ang isa pa nitong kasamahan na nakilalang si Roel Cruz, 35, kapitbahay ng nasawi.
Pinaghahanap pa ang dalawang kasabwat sa panghoholdap na nakatakas bitbit ang wallet na may lamang P1,200 na kanilang kinulimbat sa biktimang si Elena Salazar, 20.
Sa ulat ng Pasay police, dakong alas-2 ng madaling-araw nang harangin at tutukan ng baril ng apat na holdaper si Salazar sa ibabaw ng footbridge ng Malibay-EDSA. Tinangay ng mga suspek ang pitaka ng biktima na pambili sana nito ng paninda.
Tiyempo naman na nagpapatrulya sa naturang lugar ang mga pulis na sina PO3 Constantino Violeta at PO1 Fernando Cabilla ng Intelligence Unit ng Pasay police na namataan ang nagaganap na panghoholdap.
Dito nagkaroon ng habulan ang mga pulis at mga suspek kung saan nakipagpalitan pa ng putok ang mga salarin. Makaraan ang putukan, tumambad ang duguang katawan ni Besa habang nasukol naman si Cruz. Nakumpiska sa mga suspek ang isang kalibre .38 paltik at patalim na gamit sa kanilang panghoholdap.
Ayon sa pulisya, ang grupo umano ang responsable sa mga sunud-sunod na nagaganap na holdap sa naturang lugar at iba pang panig ng EDSA. (Danilo Garcia)