MANILA, Philippines - Naging mapayapa ang selebrasyon ng “All Saints Day” sa iba’t ibang sementeryo sa buong Metro Manila mata pos ang pagpapatupad ng iba’t ibang “security measures” ng pulisya, ayon kay National Capital Region Police Office Director Roberto Rosales.
Ito’y makaraan ang pagtatalaga ng nasa 13,000 tauhan ng pulisya sa iba’t ibang malalaking sementeryo sa Kamaynilaan at tulong ng mga “force multiplier” buhat sa lokal na pamahalaan at mga barangay.
“Tahimik at maayos ang All Saints’ Day. Dumarating ang ating volunteer groups at force multipliers natin. Inaasahan natin hanggang matapos itong All Saints and All Souls’ Days magiging maayos ang lahat,” ayon kay Rosales. Sinabi nito na isang kaso lamang ng robbery holdup ang naitala sa Manila North Cemetery ngunit naaresto naman ang suspek.
Sa pagtataya ng NCRPO, sinabi ni Supt. Rommel Miranda na may 500,000 katao na ang dumagsa sa mga sementeryo kahapon at inaasahan na aabot ito sa higit isang milyon dahil sa paglayo sa bansa ng bagyo.
Sa kabila naman ng paulit-ulit na panawagan at babala, may 29 pa rin na matutulis na bagay at patalim ang nakumpiska ng pulisya sa iba’t ibang sementeryo. Inilalagay pa ng mga pasaway na lalaki ang mga patalim at baraha sa kaila-ilaliman ng kanilang mga bag ngunit nabibisto pa rin habang inilalagay sa thermos ang alak na nabibisto naman. Nakakumpiska rin ng tear gas ang pulisya kung saan inaresto ang mga nagdala nito. (Danilo Garcia)