MANILA, Philippines - Nagbanta kahapon ang militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ng malawakang tigil-pasada kapag hindi binawi ng Big 3 oil companies ang naitaas na P2 halaga sa krudo kada litro.
Sinabi ni Piston Secretary General George San Mateo, hindi magiging makabuluhan kung ang small players na Uni Oil at Flying V lamang ang nagro-rollback ng presyo ng krudo gayung 85 percent ng merkado ng gasoline stations sa bansa ay kontrolado ng Big 3.
“Kapag walang nagawa ang pamahalaang Arroyo na sumunod ang Big 3 sa ginawang rollback ng Uni Oil at Flying V, tuloy ang transport holiday ng aming samahan,” pahayag ni San Mateo.
Kaugnay nito, kinondena ng Piston ang naipalabas na Executive Order 839 ni Pangulong Arroyo na nag-uutos na maibalik sa October level ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Luzon.
Sinabi ni San Mateo na dapat ay nationwide ito ipatutupad dahil sa mga lalawigan mas mataas ang halaga ng gasolina at krudo ng P5 hanggang P7 kada litro. (Angie dela Cruz)