MANILA, Philippines - Isang pinaghihinalaang big-time shabu pusher ang nasakote ng mga awtoridad matapos itong maaktuhan ng mga operatiba ng pulisya na nagbebenta ng illegal na droga sa Pasig City kahapon ng umaga.
Nakilala ang suspect na si Herminigildo Tuazon, alyas “Totong”, 47, ng Brgy. Maybunga ng nasabing lungsod.
Bandang alas-10:30 ng umaga ng madakip ang suspek habang nagsasagawa ng anti-criminality surveillance operation ang mga elemento ng pulisya sa nasabing lugar.
Nabatid na naaktuhan ng dalawang pulis na may inaabot na isang maliit na selyadong transparent na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang suspek sa isa nitong kliyente.
Agad na sinita ng pulisya ang suspect nagtatakbo ito papatakas hanggang sa maabutan at arestuhin. Narekober ng pulisya mula sa suspect ang sampung piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu at isang balisong. (Joy Cantos)